P162-B SA BAYANIHAN 2 LUSOT NA SA KAMARA

KAMARA-4

PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 sa Kamara.

Sa botong 242 Yes, 6 No at 0 Abstention ay nakalusot na sa pinal na pagbasa ang House Bill 6953 na siyang supplement measure at ikalawang stimulus package para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng Bayanihan 2 ay may  P162 billion na standby fund sa Setyembre na may validity hanggang Disyembre 31.

Ang pondo ng Kamara sa Bayanihan 2 ay mas mataas kumpara sa P140 billion standby fund ng Senado.

Pinakamalaking bahagi ng pondo ay P51 billion na ilalaan sa capital ng mga government financial institution para makatulong sa mga maliliit na negosyo.

Kabilang pa sa malalaking paglalaanan ng pondo ang P20 billion para sa cash-for-work-program program sa displaced workers; P20-B na pautang para sa mga programa sa mga magsasaka ng Department of Agriculture; P10.5-B  para sa dagdag na hiring ng health care workers; P10-B na subsidy para sa COVID-19 expanded testing at confinement sa ilalim ng Philhealth; P10-B  para sa transportation; at P10-B  para sa pagbangon ng tourism industry.

Bibigyang direktiba rin ang mga government financial institution na magbigay ng pautang, subsidiya, diskwento at iba pang grants para sa pagbili ng electronic gadgets na kakailanganin ng mga guro at estudyante sa ilalim ng distance at blended learning.

Magkakaloob din ng tuition subsidy para sa mga estudyante na hindi nakatatanggap ng educational subsidy mula sa gobyerno at nahaharap sa financial crisis.

Sa susunod na linggo ay inaasahang maisasalang na sa bicameral conference committee ang isinusulong na Bayanihan 2. CONDE BATAC

Comments are closed.