P165-B COVID-19 RELIEF PACKAGE NILAGDAAN NA NI DUTERTE

DUTERTE SIGN

NILAGDAAN kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan to Recover as One Act na nagtatakda ng COVID-19 relief package na nagkakahalaga ng P165.5 billion.

Kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang paglagda ni Duterte sa batas, na pumalit sa Bayanihan to Heal as One Act, na napaso noong Hunyo 24.

Nilagdaan ni Duterte ang batas, 18 araw makaraang ratipikahan ng Kongreso ang Bayanihan 2 noong Agosto 24.

Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara, P140 billion ang magmumula sa general appropriations habang ang P25.5 billion ay magsisilbing standby authority na maaaring gamitin sa sandaling maging available ang karagdagang revenues ng pamahalaan.

Ang standby fund ay kinabibilangan ng P10 billion para sa COVID-19 testing at pagbili ng gamot at bakuna at P15.52 billion bilang dagdag na capital infusion sa mga bangko ng gobyerno.

Sa ilalim ng bagong batas ay nasa P50 billion ang mapupunta sa government financial institutions — Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Philippine Guarantee Corp., at Small Business Corp. — para magkaloob ng soft loans sa mga apektadong sektor.

Magkakaloob din ng cash subsidies na mula P5,000 hanggang P8,000 sa low-income households sa mga lugar na nasa ilalim ng mahigpit na  lockdown at sa mga umuwing overseas Filipino worker, gayundin sa mga manggagawa na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya.

Comments are closed.