CAVITE – TINATAYANG aabot sa P17.2 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang Chinese at dalawa pa nitong kasabwat sa inilatag na buy-bust operations ng iba’t ibang drug enforcement team ng PDEA at PNP sa bahagi ng Brgy. Sampaloc 4, Dasmarinas City sa lalawigang ito kahapon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang mga suspek na sina Zhiming ” Ken” Liu, 29-anyos ng MLA River City, Colorado Bldg., Binondo, Manila; Franz Marlon Magbomarteja, 32-anyos ng Bukal Sur sa bayan ng Candelaria, Quezon at Jim Paul Salalila Arceo, 33-anyos ng Brgy. Sapang Maragul, Tarlac City, Tarlac.
Sa ulat ng PDEA Intelligence Service, isinailalim sa masusing surveillance ang mga suspek kaugnay na bentahan ng shabu bago isinagawa ang buy-bust operations katuwang ang iba pang drug enforcement unit ng pulisya.
Nagpanggap na poseur-buyer ng shabu ang isang PDEA agents sa grupo ng drug traders kaya mabilis na nasakote ang mga suspek kung saan nasamsam ang 2.5 kilong shabu na may street value na P17. 2 milyon, nasamsam din ang ilang identification card at mga dokumento.
Isinailalim na sa chemical analysis ang 2.5 kilong shabu habang pina-drug test naman ang 3 suspek bago dinala sa police detention facility kung saan nakatakdang iharap sa Office of Provincial Prosecutors para sa pagsasampa ng kaukukang kaso. MHAR BASCO