P17.2-M SHABU NASAMSAM NG PDEA

NASAMSAM ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang may 2.5 kilo ng shabu sa isang controlled delivery operation, na nagresulta rin sa pagkaaresto ng isang drug suspect sa Pasay City, Biyernes ng hapon.

Kinilala ni PDEA General Director Wilkins Villanueva ang suspek na si Angel Paul Larimer Felismenia’, alyas ‘Rocky Reyes Marasigan, 24-anyos at residente ng 2464 M. Dela Cruz St., Pasay City.

Batay sa ulat, dakong alas-4 ng hapon (Hulyo 8) nang maganap ang operasyon sa harap ng Cuneta Astrodome, sa Roxas Boulevard, Service Road, Pasay City.

Nabatid na nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng PDEA RO III- Pampanga PO, PDEA RO IV-A RSET 1&2,PDEA Clark Inter Agency Drug Interdiction Task Group, BOC Port of Clark, Pasay City Police Station-SDEU, DID at DDEU ng Southern Police District (SPD) na nagresulta ng pagkakaaresto sa suspek.

Narekober mula sa suspek ang isang pakete na naglalaman ng may 2.5 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P17.2 milyon, 2 piraso ID, at 1 unit ng cellphone.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek. EVELYN GARCIA