P17.3M IBINIGAY SA FARMER’S COOP

PINANGASIWAAN ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ang mass distribution of interventions sa iba’t-ibang Farmers Cooperatives and Associations (FCA’s) na ginanap sa kanilang bakuran kamakailan.

Ang ahensya ay namigay ng mga plastic crate, soil conditioner, organic fertilizer, lowland vegetables seeds, plastic mulch, grass cutter at mini-chainsaw sa labingsiyam na FCAs at grafted pili seedlings sa tatlong LGUs ng Camarines Sur.

Samantala, inilunsad din ng DA ang Gulayan sa Paaralan Program sa mga pampublikong paaralang elementarya at sekondarya sa buong bansa kabilang ang rehiyong Bicol.

Ito ay ipinatupad mula noong 2007 ng Department of Education sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture.

May kabuuang 100 elementarya at junior high school mula sa limang congressional district ng Camarines Sur ang nakatanggap ng GPP packages.

Ang GPP package ay binubuo ng 58 pakete ng sari-saring buto ng gulay, 2 roll ng vegetable twine, 1 plastic crate, 1 bag ng vermi cast, 10 pirasong seedling tray, 1 roll garden hose, 1 pruning shear, 1 pala, 1 rake, 1 sprinkler, 1 asarol, 1 bolo, 2 pirasong hand trowel, 2 pirasong hand fork & hoe cultivator at 2 pirasong hand sprayer na nagkakahalaga ng ₱11,305.00 bawat pakete na may kabuuang ₱1,130,500.00.

Ayon kay Dr. Mary Grace DP. Rodriguez, OIC-Regional Technical Director for Operations at HVCDP ay maisusulong ang food security sa pamamagitan ng produksyon ng masustansyang pagkain.

Layunin din nito na maitanim ang pagpapahalaga sa agrikultura sa mga mag-aaral upang mapahalagahan nila ang pagkain ng gulay.

Sinabi naman ni Marcial Bustarga, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) ng Camarines Sur na kailangang imulat ang mga mag-aaral sa agrikultura dahil karamihan sa kanila ay gadgets ang laging hawak.

Aniya, sa pamamagitan ng programa ng GPP ay matututo ang mag-aaral kung paano magtanim ng mga gulay at ang kanilang nakuhang kaalaman ay maipapatupad din sa kanilang sariling mga tahanan.

Naroon din sina Maricris C. Reforba, HVCDP Assistant Regional Coordinator, Renato D. Acasio, HVCDP Report Officer at Rosita C. De Lumen, Organic R & D Center in-charge na tinalakay ang Urban Agriculture.
RUBEN FUENTES