SULU – HAWAK ngayon ng Bureau of Customs ang nasa P17.89 milyong halaga ng smuggled cigarettes na nasabat katuwang ang Philippine Navy sa lalawigang ito.
Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio, nasabat ng mga tauhan ng Philippine Navy ang M/B Mati Jaihana, isang motor boat sa karagatang sakop ng Pangutaran Island, Sulu.
Nabatid na may kargang 300 boxes ng illegal cigarettes na may estimated cost na P17.89 million subalit walang ipinakitang import documents ang mga tripulante ng motorboat.
Ayon sa Philippine Navy, ang Mati Jaihana ay naglalayag mula Pangutaran Island papuntang Luuk, Sulu.
Inihatid ng mga tauhan ng Hukbong Dagat ng Pilipinas ang nasabat na banca papuntang Zamboanga City.
Kasama ang limang tripulante na sumailalim muna sa medical examination ay ipinasa ng Navy ang mga nasamsam na kontrabando kasama ang pinagsakyang motor boat sa mga tauhan ng Aduana sa Zamboanga City para sa karagdagang imbestigasyon .
Ang pagkakasabat sa mga iligal na kontrabando ay bahagi ng pakikiisa ng Philippine Navy sa kampanya ni Pangulong Bongbong Marcos na supilin ang talamak na smuggling sa pakikipagkoordinasyon sa BOC.
“These actions support national security and help prevent the illegal trade of tobacco products, which violates laws aimed at regulating imports,” ayon sa Phil. Navy.
Magugunitang may reports na ginagamit ang kita sa cigarette smuggling para tustusan ang ilang terroristic activites sa bahagi ng Mindanao.
VERLIN RUIZ