INIULAT ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tapos na ang road safety and riverbank protection projects na nagkakahalaga ng P170 milyon sa Davao de Oro at Camarines Sur.
Sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na gumastos ang DPWH ng P77.2 milyon para sa pag-install ng mga solar-powered na streetlight na may double arm steel post sa 6.03-kilometrong bahagi ng Daang Maharlika highway sa Barangay Banlag sa Monkayo, Davao de Oro.
Samantala, ginamit ang P93.1 milyon para sa konstruksyon ng flood control project sa porsyon ng Pawili River sa Barangay Salvacion sa Bula, Camarines Sur.
Sa kanyang ulat kay Bonoan, sinabi ni DPWH Regional Office 11 Director Juby Cordon na layunin ng off-carriageway improvement na tugunan ang road safety concerns sa bahagi ng Daang Maharlika.
Naglagay na rin ng karagdagang warning at regulatory signs, hazard markers, delineators, tubular markers, pavement stud markers at nag-install ng reflectorized traffic paint pavement markings at thermoplastic pavement markings.
“The increased road visibility due to the newly-installed street lights reduces risks of accidents and improves overall efficiency of our roadways, benefiting road users during night time and adverse weather conditions” ani Cordon.
Samantala, sinabi ni DPWH Bicol Director Virgilio Eduarte na itinayo sa isang mababang bahagi ng Pawili River ang riverbank structure na may taas na 6.72 metro kasama ang railings, hagdan at mga lamp post para sa kaligtasan at accessibility.
Idinagdag pa ni Eduarte na ang natapos na flood control ay naglalayong maiwasan ang pagbaha dahil sa pag-apaw ng Pawili River.
Noong 2023, nagtayo rin ang DPWH Camarines Sur 5th District Engineering Office (DEO) ng bank protection structures sa apat pang section ng Pawili River sa Barangay Fabrica, Sto. Domingo, Salvacion at San Roque na umabot ng P289.29 million.
Matatapos na rin ang konstruksyon ng P96.5-million extension ng riverbank protection sa Barangay Fabrica na ngayon ay 91.84 percent na ang completion.
RUBEN FUENTES