CEBU – Tinatayang aabot sa P18 bilyong halaga ng integrated resort at casino project ang itatayo ng isang pribadong kompanya sa siyam na ektaryang bahagi ng Kawit Island sa South Road Properties kung saan maaapektuhan ang 50 punong kahoy.
Ayon kay DENR-7 Community Environment and Natural Resources Office Officer Raul Paso, kabilang sa maaapektuhan ng proyekto ng Universal Hotel and Resorts Incorporated (UHRI) ang 24 narra tree, 7 acacia, 5 neem tree, 8 talisay tree ay isa pang punong kahoy.
Ang 50 punong kahoy sa ektaryang lupain ay pag-aari ng pamahalaang lokal ng Cebu sa ilalim ng Transfer Certificate Title No. PT-15961.
Nabatid na humingi na ng permiso ang UHRI sa Cebu City Environment and Natural Resources Office (CENRO) para sa earth-balling ng 15 punong kahoy na mailipat para bigyang-daan ang development ng Cebu Integrated Resort Project.
Subalit sa pagsusuri ng lokal na ahensiya ng DENR, lumilitaw na 50 punong kahoy ang apektado ng proyekto taliwas sa sinabi ng UHRI na 15 lamang.
Nabatid din kay Paso na bago mag-isyu ng permit ang DENR ay kailangang kumuha ng letter request ang UHRI mula sa Cebu City Council na may resolution na ‘no objection’ sa removal ng trees, project plan sa mga itatayong structure, lokasyon na pag-tatayuan ng mga punong kahoy na maaapektuhan, Environmental Compliance Certificate; at earth-balling at transplanting plan na may kaakibat na mapa.
Samantala, sinabi ng hepe ng CENRO na si Nida Cabrera na nagpalabas na sila ng dokumento na ‘no objection’ at nakatakda itong pagtibayin ng Cebu City Council.
Aniya, aasistihan nila ang UHRI para sa earth-balling upang masigurong buhay ang mga punong kahoy na maililipat sa pribadong lupain sa Lapu-Lapu City.
Kabilang sa proyekto ng UHRI ay ang pagtatayo ng tatlong hotel, integrated resort facility, commercial o shopping center, convention center, performing arts theater, themed park at iconic public art, parking lot, at casino sa Kawit Island. MHAR BASCO
Comments are closed.