P1,800 MOTOR VEHICLE INSPECTION FEE KINUWESTIYON

LTO OFFICE-2

NAGBABALA  si Sen. Grace Poe laban sa implementasyon ng bagong circular ng Land Transportation Office (LTO) na maniningil ng P1,800 bilang ‘motor vehicle inspection fee’ na hindi dumaan sa masinsinang konsultasyon sa publiko.

“Dapat isantabi ng LTO ang planong itong hindi dumaan sa konsultasyon ng mga apektadong motorista at iba pang sektor,” aniya.

“Bago sila magpataw ng panibagong multa, dapat sundin muna ng LTO ang simpleng batas trapiko: Stop. Look. Listen. Puro pasakit na lang sa taumbayan,” giit ni Poe.

Sa ilalim ng LTO Memorandum Circular (MC) 2018-2158 na inilabas noong Nobyembre  28, 2018, mapipilitang magbayad ang mga moto­rista ng P1,800 para sa inspeksiyon ng mga sasakyang may bigat na 4,500 kilo sa isang pribadong ‘inspec-tion center’ bilang rekisito sa pagpaparehistro.

Samantala, ang mga may-ari ng motorsiklo at tricycle ay kailangang magbayad ng P600 para sa ‘inspection fee.’ Kailangan din nilang magbayad ng P900 para sa reinspection fee kung ang 4,500-kilong sasakyan ay hindi pumasa sa isang bahagi ng ­inspeksiyon.

Noong Enero, naghain si Poe ng Senate Resolution 1003 na naglalayong imbestigahan ang naturang mga labis na singil.

Sinabi ng senadora na ang P1,800 na ­singil ay hindi basta-bastang halaga at labis na makaaapekto sa badyet ng mga motoristang hirap na sa mataas na presyo ng gasolina at iba pang mga bilihin. VICKY CERVALES