P183.6-M SHABU NATAGPUAN SA ABANDONADONG SASAKYAN

MAHIGIT sa P183 milyong halaga ng ilegal na droga ang natagpuan sa isang abandonadong sasakyan sa Brgy. Tambo, Parañaque City.

Batay sa report na nakarating sa tanggapan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief MGen. Jonnel C. Estomo, isang Barangay Tanod ng Brgy. Tambo ang tumawag sa himpilan ng Tambo Police Station at inireport ang sasakyan na inabandona sa kahabaan ng Quirino Avenue corner M Delos Santos St., Brgy. Tambo, Parañaque City.

Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Parañaque Police Station kung saan ay natuklasan na ang naturang sasakyan na kulay pulang Toyota Innova na may plakang CID 9724 na nakaparada na bagaman nakasara ang mga pintuan, hindi naka-lock ang mga ito.

Kaya’t agad na siniyasat ng mga awtoridad ang loob ng sasakyan kung saan ay nakita ang isang kulay brown na bag pack, isang kahon at isang sako na naiwan sa loob ng naturang sasakyan.

Sa isinagawang pagsisiyasat ng SOCO Parañaque Team na pinangungunahan ni Lt. Jeffrey Bilog, nasamsam sa loob ng sasakyan ang 27 na vacuum-sealed tea pack ng shabu, 2 piraso ng photocopy deed of sale ng motor vehicle, OR/CR (Nissan Sentra) TKS 429, 2 piraso ng drivers license ni Ma. Teresa Fernandez y Belandres, isang xerox copy ng birth certificate, isang piraso na katibayan ng pagtanggap ng bayad, isang piraso ng TDS at EC meter hold, identification at vaccination card ng Patani Barauntong, isang power back, itim na t-shirt, isang pantalong maong, isang kulay brown na leather bag pack, isang susi ng (Nissan), 37 piraso ng P50 pesos bills ,isang OR ng gasolinahan.

Ang lahat ng nakuhang ebidensiya kabilang na ang mga hinihinalang iligal na droga ay tinatayang tumitimbang ng humigit kumulang sa 27 kilos at umaabot sa halagang P 183.600 milyon ay inilipat sa pag-iingat ng SPD Forensic habang patuloy ang isinasagawang masusing pagsisiyasat at alamin ang kinaroroonan ng hindi pa nakikilalang lalaking suspek.

‘’Pinupuri ko ang pagbabantay ng ating mga force multipliers na nakikipagtulungan sa ating kapulisan sa pagpapanatiling ligtas at secured ang ating mga tao sa lahat ng oras. Kung titingnan ang oras ng pag-uulat at ang agarang aksyon ng ating mga pulis ay nagpapahiwatig na sila ay gising na gising habang ang ating mga tao ay mahimbing na natutulog. Ito yung lagi kong sinasabi na habang kayo ay tulog, ang pulis ay gising at kayo ay binabantayan,” ani RD Estomo. EVELYN GARCIA