BENGUET — TINATAYANG aabot sa P19.2 milyong halaga ng marijuana plants ang sinunog ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang malawakang marijuana eradication operation sa pitong plantasyon sa mga bayan ng Bakun at Kibungan sa lalawigang ito noong nakalipas na Linggo.
Base sa police report, unang sinalakay ng mga operatiba ang apat na plantasyon sa kabundukang sakop ng bayan ng Kibungan kung saan nadiskubre ang 62,170 fully-grown marijuana plants, 125 piraso ng marijuana seedlings at 30 kilong pinatuyong dahon ng marijuana na may street value na P16,039,000.00.
Kasunod na sinalakay ng isa pang team ng pulisya ay ang tatlong plantasyon sa kabundukang sakop ng Barangay Kayapa sa bayan ng Bakun kung saan nadiskubre ang 16,150 fully-grown marijuana plants na may street value na P3,230,000.00.
Samantala, isinagawa naman ang drug bust operation ng Benguet policemen sa ilang bayan kung saan nasakote ang anim na drug pushers na sina Amiel Guile Gutierrez Eligores; Rasmia Ebra Balang; Sharon Galuba Lorenzana; Rommel Cabrera Lagera; Jojit Azucena Tesion at si Hazel Mae Guiles Dogcio.
Ipinangako naman ni Cordillera police director Brig. Gen. RWin Pagkalinawan na ipagpapatuloy ng PNP ang nasimulang anti-drugs war regionwide campaign kung saan wala itong sasantuhan kahit kanilang kabaro o opisyal ng pamahalaan. MHAR BASCO
Comments are closed.