TINIYAK ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Kamara na hanggang sa katapusan ng Hulyo ay tatapusin ang pamamahagi ng ikalawang bugso ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni DSWD Undersecretary Danilo Pamonag na umaabot na sa P19.4 billion ang naipamahaging 2nd wave ng cash assistance sa 3.2 milyong benepisyaryo.
Sinabi ni Pamonag sa mga miyembro ng komite na sa pamamagitan ng kombinasyon ng digital at direct payouts ay matatapos nila hanggang sa katapusan ng buwan ang SAP 2 distribution.
Magkagayunman, inamin niya na posibleng may ilang payouts ang ma-extend hanggang sa Agosto dahil sa problema sa mobility, security, at iba pang health factors.
Paliwanag niya, may mga isla, munisipalidad, barangay at malalayong lugar na inaabot ng isa o dalawang araw bago marating.
Bukod dito, nakapagpabagal din, aniya, sa distribusyon ang mga conflict-affected area na nangangailangan muna ng koordinasyon at planning sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police (PNP) upang matiyak na ligtas ang mga maghahatid ng ayuda at makararating ito sa mga benepisyaryo.
Nakaapekto rin, aniya, ang banta sa kalusugan ng COVID-19 dahil kinailangan din ng mga social worker na sumailalim sa 14-day quarantine sa oras na ma-expose sa isang positibo sa sakit.
Sa 18 million poor households na nakatanggap ng 1st tranche ng SAP, nasa 12 million lamang ang benepisyaryo ngayon sa SAP 2, kasama na rito ang 5 million na waitlisted beneficiaries. CONDE BATAC
Comments are closed.