P19.583-B SUBSIDIYA, IPINALABAS NG GOV’T NOONG SETYEMBRE

UMAABOT sa P19.583 billion ang subsidiya na ipinalabas ng national government (NG) para sa buwan ng Setyembre, mas mataas ng 698 percent sa P2.454 billion na naitala sa kaparehong buwan noong 2017, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Sa pinakabagong datos mula sa BTr, ang Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) ang tumanggap ng pinakamala­king subsidiya sa P5.296 billion.

Ang kabuuang subsidiya mula sa pamahalaan sa unang siyam na buwan ay pumalo sa P124.834 billion, mas mataas ng 49.27 percent sa P83.625 billion noong nakaraang taon.

Bukod sa Philhealth, ang iba pang government-owned and -controlled corporations (GOCCs) na tumanggap ng subsidiya ay ang Land Bank of the Philippines na may P4.945 billion subalit walang subsidiya noong Setyembre  2017; National Irrigation Administration (NIA),  P4.832 billion mula sa P643 million subsidy sa kaparehong buwan noong 2017; at ang Philippine Crop Insurance Corporation na tinanggap ang kanilang unang subsidiya mula sa pamahalaan noong nakaraang Setyembre sa halagang P2.275 billion. Ang PCIC ay tumanggap ng P350 million subsidy noong Setyembre 2017,  mas mataas ng 550 percent kumpara ngayong taon.

Binigyan din ng subsidiya ang National Dairy Authority na may P382 million; Small Business Corporation, P300 million; National Kidney Transplant Institute,  P271 ­million; Light Rail Transit Administration, P265 million; Social Security System, P185 million; Philippine Rice Research Institute, P182 million; at Sugar Regulatory Administration na may P113 million.

“A subsidy given the by the government to GOCCs aims to help agencies reduce its costs and support the growth of different sectors, among others,” ayon  sa BTr.

Noong Agosto, ang NG ay nagkaloob ng subsidiya na nagkakahalaga ng P5.037 billion kung saan ang NIA ang ­tumanggap ng pinakamalaking halaga, kasunod ang Philhealth na may P2 billion. REA CU