P19.6-M COCAINE TINANGKANG IPUSLIT NG AMERICAN NATIONAL

ISANG American national ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Ninoy Aquino International Airport- Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) nang tangkain nitong magpuslit ng mahigit 3 kilo ng cocaine.

Sa ulat na ipinarating kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, inaresto sa NAIA si Stephen Joseph Szuhar, retired Casino Manager ng 18533 Bridle Club DR Tampa, Florida, USA.

Batay sa report, nagmula ang dayuhan sa Doha, Qatar sakay ng Qatar Airways Flight QR 932 bandang alas-2 kamakalawa ng hapon at sinasabing may bitbit itong bagahe na naglalaman ng nasa sa 3,700 gramo ng cocaine na may street value na P19,610,000.00

Sa pangunguna ng NAIA-IADITG katuwang ng mga ahente ng PDEA, hinarang nila ang dayuhan na bitbit ang kahina-hinalang bagahe sa Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3.

Kinumpiska ng mga awtoridad ang isang itim na luggage na may label na “YIN’S” na naglalaman ng sari-saring damit, ilang piraso ng carbon paper, tatlong pirasong improvised na pouch na gawa sa packaging tape bawat isa ay naglalaman ng puting powdering substance.

Ang dayuhan amerikano ay nasa custodial jail facility na ng PDEA-Regional NCR at sumasailalim sa masusing interogasyon kung sangkot ito sa malalaking sindikato ng droga nagpapatakbo sa bansa. VERLIN RUIZ