P19.6-M SHABU NASAMSAM SA DRUG OPERATIONS

TINATAYANG AABOT sa P19.6 million ang street value ng droga na nasamsam ng mga tauhan ng Philippine National Police sa serye ng anti narcotics operation na ikinasa sa Cebu nitong nakalipas na linggo.

Ayon kay Central Visayas police director Brig. Gen. Roque Vega, pinalakas nila ang kanilang kampanya kontra droga sa kanilang nasasakupan partikular sa lalawigan ng Cebu.

Sa report na ibinahagi ni Vega , unang nadakip kamakalawa ng gabi ang isang dating waiter sa Barangay Luz, Cebu City, kung saan nakuha sa kanya ang higit P1 milyong halaga ng ilegal na droga.

Isang buy bust operation naman ang isinagawa sa Barangay Guadalupe na nagresulta sa pagsamsam sa P748,000 halaga ng droga sa isang lalaki kinilalang alyas “Bayogyog.”

Sa Toledo City, isang 35-anyos na lalaki ang nakumpiskahan ng higit 1 kilo ng shabu na nagkakahalagang P7.4 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Das.

Isang teenager naman na itinuturing na high value target ang nadakip sa Mandaue City, matapos ang isinagawang buy bust operation sa Barangay Cabancalan na nasamsaman ng nasa P10.2 milyon ang halaga ng shabu.

Sa Barangay Tipolo, isang senior citizen naman ang nakumpiskahan ng P340,000 halaga ng shabu. VERLIN RUIZ