AABOT sa P19.97 bilyon ang ibinuhos na pondo ng pamahalaan sa mga indibidwal at pamilyang dumaranas ng kahirapaan at nahaharap sa mga panganib na epekto ng mahigit tatlong taong pandemya at mga nakatira sa hindi ligtas na paligid.
Ang pondo ay mula sa Department of Budget and Management habang ang makikinabang ay ang mga tinukoy na nasa ilalim ng Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances (PSIFDC) program, na inisyatibo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Paglilinaw naman ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ang nasabing pondo ay huhugutin mula sa proposed 2024 national budget.
Layunin ng pagpopondo na ibigay ang crucial financial assistance sa 3.9 million beneficiaries sa buong bansa.
“We are strengthening social protection measures to ensure that no one will be left behind, especially the marginalized and vulnerable sectors. This is the mandate of our President Ferdinand R. Marcos Jr., and we will make sure to exert all necessary efforts to make this attainable,” ayon kay Secretary Pangandaman.
Una nang kinilala ni Pangulong Marcos sa kanyang budget message, ang patuloy na epekto ng nakalipas na pandemya sa buong mundo.
Kaya naman naglaan ng pondo ang pamahalaan upang tutukan ang pinaka-naapektuhan ng pandemya na hanggang ngayon ay hindi pa nakakarekober sa kanilang sitwasyon kasama na ang mga maralitang nakatira sa lugar na may mga panganib.
Ang pagbibigay ng ayuda sa most vulnerable na indibidwal at pamilya ay una nang inirekomenda ng National Economic Development Authority (NEDA).
EVELYN QUIROZ