P19-M PUSLIT NA SIGARILYO NASABAT

DAVAO DEL SUR- NASA P19 milyong halaga ng smuggled cigarettes ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) – Collection District XII matapos na idiskarga ito sa isang pantalan sa Sta Cruz sa lalawigang ito.

Sa ulat na isinumite ng BOC- Collection District XII (Davao, General Santos, Parang, Mati) Customs Commissioner Bienvenido Rubio, kinumpiska ng mga tauhan ng ahensiya ang may 499 master cases na naglalaman ng 24,950 reams ng puslit na sigarilyo na ginamitan ng motorized banca sa pagbiyahe nito.

Nabatid na habang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang BOC-Water Patrol Division (WPD) sa gulf of Davao Coast ay namataan ang isang low-lying kneel banca “MV Amiesha” na may kahina-hinalang kargamento na tinatakpan ng tarpaulin.

Nang magsagawa ng inspeksyon ay walang maipakitang dokumento ang mga tripulante ng lantsa kaugnay sa karga nilang mga sigarilyo.

Agad na naglabas si District Collector Erastus Sandino Austria ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa mga iligal na kontrabando.

Nakapaloob dito, “The master cases of cigarettes were then seized in violation of Section 117 of R.A. 10863 or the “Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016 in relation to Executive Order Number 245 entitled “Amended Rules and Regulations Governing the Exportation and Importation of Leaf Tobacco and Tobacco Products.”

Aniya, mahigpit lamang nilang ipinatutupad ang priority program na masawata ang anumang uri ng smuggling kaugnay sa economic agenda ni Pangulong Bongbong Marcos.
VERLIN RUIZ