P1K ALLOWANCE SA UDM AT PLM STUDES

MAGKAKAROON na ng baon ang mga kuwalipikadong estudyante sa lungsod ng Maynila makaraang lagdaan ng lokal na pamahalaan ang isang panibagong ordinansa na nagbibigay ng “monthly allo­wance” sa mga mag-aaral mula sa Unibersidad de Manila at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Personal na nilagdaan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Ordinance no. 8568 na nag-uutos sa pamahalaang lungsod na magbigay ng P1,000 buwanang “allowance” sa mga kuwalipikadong mag-aaral ng PLM at UdM.

Upang maging kuwalipikado para sa buwanang allowance, ang mag-aaral ay dapat na nasa “good moral character” at walang “disciplinary record.”

Kinakailangan ring residente ng Maynila; at dapat na isang rehistradong botante ang mga mag-aaral upang makuha ang nasabing pabaon ng lungsod.

Kung ang mag-aaral ay wala pa sa “legal age” ang magulang o legal na tagapag-alaga ay dapat ito ay isang rehistradong botante ng Maynila.

Samantala, nilagdaan din ni Domagoso ang Ordinance no. 8566 na nagbibigay ng isang pangkahalatang amnestiya para sa business taxes, real property taxes, regulatory fees at iba pang service charges.

“The tax amnesty is also part of the Mayor’s proposed social amelioration stimulus package to uplift the lives of Manilenos suffering from poverty. Mga negosyante, puwede na kayo sumuko. Wala na magche-check ng libro niyo. This is the time to finally correct your books,” paliwanag ng alkalde.

Pinasalamatan naman ni Domagoso sina Vice Mayor Hony Lacuna, majority floor leader Joel Chua at mga miyembro ng Konseho ng Maynila dahil sa mabilis na pagpasa ng mga nasabing ordinansa na magbibigay kaginhawaan sa mga Manilenyo.           PAUL ROLDAN

Comments are closed.