KUNG mayroong panawagan na ‘sana all’ sa pagbibigay ng gobyerno ng ayuda sa gitna ng umiiral na pandemya, ang ganap na pagpapatupad ng panukalang Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3 ang magiging kasagutan dito.
Ito ang sinabi ni House Deputy Minority Leader at Marikina City 2nd Dist. Rep. Stella Quimbo, na kasama si Speaker Lord Allan Velasco bilang princial authors ng Bayanihan 3 bill, kung saan sa ilalim, aniya, ng naturang panukala, ang bawat Filipino ay mabibigyan ng P1,000 cash assitance.
“Ang panukala namin para sa ayuda pampamilya ay isang libo kada Filipino. Dagdag din ang isang libo para sa bawat estudyante o guro. Wala pong maiiwan,” pahayag ng Marikina City lady lawmaker.
Aniya, upang maiwasan ang naging problema sa Social Amelioration Program (SAP), na maraming pamilya ang umalma na hindi nabigyan ng ayuda dahil wala sila sa listahan, sa Bayanihan 3 ay wala nang lista-lista at ang lahat ay bibigyan ng nabanggit na halaga.
“Sa Bayanihan 3 po, sabi ni Speaker Velasco, wala nang lista o listahan. Lahat kasama. Ito na po ‘yung tugon sa ‘sana all’, sabi pa ni Quimbo.
Paliwanag ng former professor at chairperson ng University of the Philippines (UP) School of Economics, nakababahala ang naitalang pagsadsad ng ekonomiya ng bansa, na nasa 9.5 percent noong nakaraang taon.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na rin ang nagpahayag na “masama ang sitwasyon ng ekonomiya at we are sinking deeper and deeper”, at sinegundahan naman ito ni Quimbo.
Ayon sa House Deputy Minority Leader, isa sa pangunahing dahilan sa pagbulusqok ng ekonomiya ng bansa ay ang pagbaba sa 7.9 percent ng household consumption o paggastos ng bawat pamilya, gayundin ang mahinang paggamit sa pondo ng gobyerno na nagresulta lamang sa 1.3 percent sa GDP growth noong 2020.
“Kung kailan bagsak ang ekonomiya at inaasahan ang gobyerno na mag-pump priming, napakaliit ng growth in government spending. We have spent so little relative to our ASEAN neighbors.” giit ng kongresista.
Binanggit din ni Quimbo na kasabay ng pagbaba sa economic output ay naitala sa nakalipas na buwan ng Enero ang mataas na inflation rate, na 4.2 percent kaya nagbabala siya na kapag nagpatuloy ito ay makararanas ang bansa ng ‘stagflation’.
“Kombinasyon ito ng economic stagnation, pati inflation. Sa madaling salita, sabay nangyayari ang pagbagsak ng ekonomiya at pagtaas ng mga presyo ng bilhin. Mataas na nga ang presyo ng bilihin, wala pang trabaho. Dadami ang mahirap na Filipino,” aniya.
“Kaya kailangang gumastos ng pamahalaan para ayudahan ang mga pamilya, manggagawa, magsasaka, at maliliit na negosyo. The Bayanihan to Arise as One Act provides for social amelioration to low income households, subsidies for displaced workers and current workers of small businesses, cash assistance for farmers and livestock producers, capacity building grants for MSMEs, and additional funding for the COVID-19 vaccine program. Lahat-lahat, 420 billion pesos ang dagdag na papasok at iikot sa ekonomiya kung isabatas ito,” dagdag pa ni Quimbo. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.