INAPRUBAHAN kahapon ng Senado sa third at final reading ang panukalang nagtataas sa monthly social pension ng indigent senior citizens sa P1,000 mula P500.
Sa botong 18-0-0, lumusot sa mga senador ang Senate Bill 2506 o ang Act Increasing the Social Pension of Indigent Senior Citizens and Appropriating Funds Therefor.
Ang SB 2506 ay inaprubahan sa Senado, isang linggo makaraang isponsoran ito sa plenaryo ni Senador Joel Villanueva.
Bukod sa pagtataas sa monthly social pension ng indigent senior citizens, ang panukala ay naglalatag din ng mga opsyon bukod sa cash payout para makarating ang pension sa target beneficiary.
Sa ilalim ng panukala ay inililipat din ang implementasyon, distribusyon, at pangangasiwa sa social pension ng senior citizens sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa loob ng hindi hihigit sa tatlong taon.
“Tumaas na po ang presyo ng bilihin, marapat lang na itaas rin ang monthly social pension ng mga indigent senior citizens from P500 to P1,000,” sabi ni Villanueva sa isang statement kasunod ng pag-apruba sa SB 2506.
“May mga seniors po na wala talagang maaasahan at hindi na kayang magtrabaho at hindi kayang suportahan ng mga kamag-anak o kaya walang kamag-anak,” dagdag pa niya.