ITINUTULAK sa Kamara ang panukala na magbibigay ng buwanang pensiyon sa mga Filipinong may kapansanan.
Sa House Bill 7571 ni Rep. Kristine Alexie Tutor, bubuo ng Social Pension Program para sa lahat ng rehistradong persons with disabilities (PWDs).
Ang social pension na ipagkakaloob sa PWDs ay aabot ng P1,000 kada buwan na maaaring ibigay ng kada quarter, semi-annual o annual basis.
Ayon sa kongresista, isa ang PWDs na lubhang apektado ng COVID-19 pandemic kaya ang nasabing pensiyon ay malaking tulong para tugunan ang iba pa nilang mga pangangailangan.
Hiwalay ang naturang PWD social pension sa iba pang ayuda na ibinibigay ng pamahalaan tulad sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang social services programs ng mga lokal na pamahalaan.
Pinabubuo rin ang mga kaukulang ahensiya ng National Persons with Disability Registry kung saan lalamanin ang database ng lahat ng mga Filipinong may kapansanan at magsisilbi rin itong batayan sa classification at marking ng Philippine Identification System para sa pag-iisyu ng PhilSys National ID upang makapag-avail ng mga benepisyo ang isang PWD.
Binibigyang mandato rin ng panukala ang Department of Finance (DOF), Department of Trade and Industry (DTI), Small Business Corporation, at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bigyang access ang mga PWD sa kanilang mga microfinance, microinsurance, at microenterprise programs at projects.
Inaatasan naman ang DSWD, Securities and Exchange Commission (SEC), DTI, Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Justice (DOJ) na bumuo at magpatupad ng special protection policies para sa mga PWD laban sa loan sharks, investment scammers, estafa, at iba pang financial fraud. CONDE BATAC
Comments are closed.