P1M PABUYA VS KILLERS NG MAYOR NG LOS BAÑOS

Caesar Perez

LAGUNA – INIHATID na sa kanyang huling hantungan ang mga labi ng pinaslang na si Los Baños Municipal Mayor Caesar Perez sa Hea­vens Garden kahapon.

Dumalo sa paglilibing ang maraming lokal na opisyal, empleyado, iba’t ibang sektor ng lipunan at mamamayan ng bayang ito bilang pakikiramay sa pamilya ni Perez.

Bandang ala-1:00 ng hapon nang idaos ang isang banal na misa sa munisipyo kung saan ibinurol ng apat na araw para sa public viewing bago ito ihatid sa kanyang huling hantungan.

Ayon kay Aldous Perez, isa sa anak ng biktima, hinihintay pa rin nito ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at NBI kung saan nananatiling blangko pa rin ang mga ito sa pagkakakilanlan sa mga suspek.

Nabatid na nakatakdang maglaan ng pabuya ang pamilya Perez na aabot sa mahigit na isang milyong piso para sa agarang ikalulutas ng kaso.

Gayundin, maraming magsasaka at iba pang sektor ng lipunan ang nagtulong-tulong at boluntaryong nagkaloob ng halagang tig P5 at P10 pataas para sa ilalaang pabuya sa makapagtuturo sa mga salarin ng dating alkalde ng Los Baños.

Nilinaw ni Aldous, ipagkakaloob lamang ng mga ito ang pabuya sa sandaling  masampahan at masentensiyahan ang mga suspek.

Kaugnay nito, nakatakdang makipag-ugnayan si Aldous sa pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos mapaulat sa mga pahayagan na nasa listahan nito ang pinaslang na alkalde upang malinawan ang lahat ng mga pangyayari.

Tiwali rin ang pamilya Perez na matutulungan sila ni Pangulong Rodrigo Duterte para maresolba ang kasong pagpatay sa kanilang ama. DICK GARAY

Comments are closed.