NASA kabuuang P2.1 billion ang pondong ilalaan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na taon para sa modernisasyon at upgrading ng anim na paliparan sa Visayas at Mindanao regions, kabilang dito ang New Bohol (Panglao) International Airport.
Ito ang nabatid kay Makati City Rep. Luis Campos Jr., ex-officio member ng House committee on appropriations, kung saan bukod sa nabanggit na paliparan ay makikinabang din sa bagong pondong ito ang Siargao Airport (Surigao del Norte), Catbalogan Airport (Samar), Davao International Airport (Davao City) Central Mindanao Airport (M’lang, North Cotabato) at Tacloban Airport (Leyte).
Sa susunod na mga linggo, inaasahang bubuksan na ang New Bohol International Airport, na kayang mag-accommodate ng dalawang milyong pasahero kapag ito ay nasa ‘full year of operations’.
Ayon kay Campos, malaking tulong ang bagong international airport na ito para sa industriya ng turismo at kalakaran sa Bohol province, partikular na sa sikat at kinikilala na rin sa buong mundo na Panglao Island dahil sa maganda nitong sand beach, na kahalintulad sa pamosong Boracay Island.
Aniya, umaabot sa P500 million ang ibubuhos ng pamahalaan para tustusan ang ganap na pagpapagawa ng naturang international airport.
Pangalawa naman sa may pinakamalaking pondo ang Catbalogan Airport, na nagkakahalaga ng P450 million para sa expansion project na isasagawa roon sa layuing magkaroon ng commercial operations.
Naunang inirekomenda ng Department of Tourism (DOT) ang pagkakaroon ng aiport sa Catbalogan, na inilagay sa Buri Island noong 1995 sa pamamagitan ng P57 million halaga ng pondo subalit hindi naman umano lubos na napakinabangan.
Sa ulat naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), noong 2012 nang ilunsad nito ang P94-million five-year development program ng Catbalogan Airport, na kinabibilangan ng pagpapagawa ng parking area, perimeter fence, apron, runway at taxiway, runway extension, fire station building at karagdagang security fence.
Sinabi ni Campos na kapag natapos ang pag-upgrade sa paliparang ito, bukod sa pagkakaroon ng Manila-Catbalogan-Manila flight ay bubuksan din ang ruta na Catbalogan-Cebu-Catbalogan.
Ang P315-M para sa Davao International Airport at P50-M naman sa Tacloban Airport ay para sa expansion ang passenger terminal, operations building at multi-year control tower construction, partikular ng huli.
Para sa Central Mindanao (M’lang) Airport, na sa ngayon ay itinuturing na ‘rural airport’, nasa P92-M ang budget na nakalaan upang maisakatuparan ang matagal nang panawagan para i-upgrade ito.
Sa ilalim ng development program na ipatutupad ng Department of Transportation (DoTr), target na magkaroon ito ng kapasidad para sa 3.5 milyon na pasahero kada taon, maging ‘access point’ sa Central Mindanao at magsilbing daan para sa pagbibiyahe ng high-value crops, gayundin para suportahan ang pagsusulong ng agricultural development sa rehiyon. ROMER BUTUYAN
Comments are closed.