(P2.15/L sa diesel; P0.40/L sa gasolina) PRESYO NG PETROLYO MAY BAWAS

MAY rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell at Seaoil na tatapyasan nila ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.40, diesel ng P2.15, at kerosene ng P2.10.

Magpapatupad ang Petro Gazz, PTT Philippines at Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga maliban sa Cleanfuel, na magpapatupad ng pagbabago sa alas-12:01 ng umaga.

Noong nakaraang Martes, Nobyembre 15, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P0.90 kada litro at kerosene ng P1.35 kada litro, habang ang diesel ay may bawas na P0.30 kada litro.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Nob. 15, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P18.15, diesel ng P36 at kerosene ng P29.95.