MAGLALAAN ang pamahalaan sa susunod na taon ng P2.2 billion para sa pautang sa Public Utility Vehicle (PUV) operators at drivers.
Ito ay alinsunod na rin sa PUV modernization program ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, miyembro ng House Committee on Appropriations, ang P2.2 billion ay para sa low-cost financing sa pagbili ng configured buses, vans at jeepneys sa ilalim ng programa.
Ang naturang pondo ay nakapaloob sa ‘unprogrammed appropriations’ sa ilalim ng P3.757 trillion 2019 national budget.
Sa oras na maaprubahan ang pondo, ito ay ilalagay sa dalawang state-owned lenders, ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines kung saan tig-P1.1 billion ang ilalagak sa naturang mga bangko.
Samantala, maglalaan din ang pamahalaan sa ilalim ng PUV modernization sa susunod na taon ng P447 million upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta sa modernisasyon.
Ang pondong ito ay bukod pa sa P843 million na alokasyon sa programa ngayong 2018. CONDE BATAC