MATAPOS ang nationwide strike na isinagawa ng mga jeepey operators upang tutulan ang planong public utility vehicle modernization program, iginiit ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na kaya ng mga jeepney operators ang mga “modern jeepney” na nagkakahalaga ng P2.2-million per unit.
Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, ang gobyerno ay tutulong sa halagang P80,000 o limang porsiyento ng halaga ng isang jeepney kung ang mga operator ay magsasama-sama sa isang kooperatiba.
“With this PUV modernization, wala na po talaga ‘yung individual franchise. Way back 1994, 1995 pa ang PUV modernization. Pero nung panahon na ‘yun, ang gusto lang ay palitan lang ‘yung unit. Pero ngayon, mas organisado po siya, mas komprehensibo,” ani Pialago.
Gayunpaman, sinabi ni Pialago na kahit na magbigay ang gobyerno ng subsidiya ay kinakailangan pa rin ng mga driver na maglabas ng P26,000 kada buwan o kaya ay P800 kada araw kung hindi sila mag-day off sa pamamasada.
Pahayag pa ni Pialago na naniniwala ang Department of Transportation (DOTr) na kakayanin ng mga driver ang naturang halaga.
“‘Pag miyembro kayo ng coop, kayo ay VAT-exempt. Malaki ho ang natitipid ninyo basta sama-sama kayo sa iisang coop. Ngayon po kami sa MMDA, mas naniniwala kaming kakayanin nila ‘yan,” pahayag ni Pialago.
Sa ilalim ng kondisyon ng DOTr, ang mga driver na kasapi sa kooperatiba ay puwedeng mag-apply ng subsidiya mula sa gobyerno ng halagang P80,000 at tulong upang makautang sa Landbank and the Development Bank of the Philippines. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.