NORTH COTABATO – AABOT sa P2.3 milyong halaga ng goods ang nasunog makaraang magliyab ang delivery truck sa bahagi ng Sitio Lambak, Brgy. Makasilat sa bayan ng Makilala noong Martes ng umaga.
Sa imbestigasyon ng Makilala Bureau of Fire Protection, patungo sa Midsayap, North Cotabato mula sa Davao City ang delivery truck na may kargang libo-libong goods ang nagliyab at nasunog bandang alas-5 ng umaga.
Dahil gawa sa fiber ang likuran ng delivery truck, mas lalong kumalat ang apoy kaya tuluyang inabandona ng mga sakay nito.
Ayon kay SFO1 Rey Pacris, ng BFP-Makilala, nasa P150,000 din ang halaga ng hotdogs na dadalhin sa Kidapawan City at sa bayan ng Midsayap ang naabo.
Ayon sa ulat, pag- aari ni Froilan Mamasamayor ng General Santos City ang nasunog na delivery truck.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Makilala-BFP na maaaring koneksiyon sa wiring ng sasakyan ang pinagmulan ng apoy.
Nilinaw naman ng Makilala-PNP na walang katotohanan ang espekulasyon na umano’y kagagawan ng New People’s Army (NPA) ang nabanggit na sunog.
Wala anila itong katotohanan, lalo pa at ang mismong tatlong sakay ng trak ang nagsabing nagliyab ang likurang bahagi ng sasakyan. MHAR BASCO