P2.4M INIWANG PINSALA SA SHOOTING RANGE NA NASUNOG

CEBU -ISANG shooting range sa Barangay Cogon Ramos sa lungsod ng Cebu ang nasunog at umaabot sa P2.4 milyong halaga ang danyos na naganap kamakalawa ng umaga araw ng Huwebes.

Batay sa report ang naturang sunog ay nag-umpisa dakong alas 11 ng umaga sa 101 Centro Maximo Building sa Dionisio Jakosalem Street sa nabanggit na barangay.

Agad namang rumesponde ang Cebu City Fire Station, kung saan ay itinaas sa unang alarma ang naturang sunog dakong alas 11:04 at ilang minuto pa lam,ang ang nakakalipas ay muli itong itinaas sa ikalawang alarma at kalaunan ay oideneklara na itong fire control bago tuluyang naapula.

Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa naturang sunog, ngunit naapektuhan ang 160 square meters ng shooting range.

Bagama’t nasunog ang ilang bahagi ng shooting range ay maswerteng hindi naman inabot ang mga baril at bala maging ang warehouse na nasa loob ng establisyimento na maaari pa sanang nagdulot ng mas matinding pinsala at panganib.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung ano ang sanhi ng pinagmulan ng nasabing sunog. EVELYN GARCIA