MAGLALAAN ang Department of Health (DOH) ng P2.5 billion na pondo para sa COVID-19 vaccines sa 2021.
Sa budget hearing sa Kamara, sinabi ni Health Usec. Myrna Cabotaje sa pagtatanong ni Appropriations Vice Chairman Junie Cua na P2.5 billion ang alokasyon para sa bakuna sa COVID-19.
Target na bakunahan sa pondong ito ang mga vulnerable sector tulad ng medical frontliners, barangay health workers at mga kabilang sa indigent group gaya ng mga matatanda at mga maysakit.
Ito muna ang pondong ipinanukala para sa bakuna dahil mayroon aniyang scheme na maaaring umutang ang isang indibidwal sa Landbank para magamit ang bakuna sa iba pang mangangailangan nito.
Pero para masakop ang target na 20 million na mga Filipino na kabilang sa “most” at “at risk sector”, mangangailangan ng P12.9 billion na pondo para sa COVID-19 vaccines.
Paglilinaw ni Cabotaje, hindi mababakunahan ang lahat ng mga Filipino dahil magiging katuwang din ng gobyerno ang private sector para sa pagbibigay ng COVID-19 vaccines.
Nakahanda na rin, aniya, ang AFP, PNP, LGUs at ang DOH para sa distribusyon ng bakuna.
Bukod dito, pinag-aaralan na rin ng ahensiya kung dadagdagan ang kanilang storage facilities para sa COVID-19 vaccine. CONDE BATAC
Comments are closed.