P2.5-B RICE SUBSIDY

Rep-Johnny-Pimentel

NAKAPALOOB sa isinumiteng P3.757 trillion 2019 proposed national budget sa Kamara ang paglalaan ng P2.5 billion para pondohan ang libreng bigas sa mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel ng pamahalaan.

Ito ang nabatid kay 2nd Dist. Rep. Johnny T. Pimentel, miyembro ng House appropriations committee, kung saan ang subsidiya para sa suplay ng bigas ay nakapaloob sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng iba’t ibang ahensiya, kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pa.

“With price of the Filipino’s main staple on the rise for eight months in a row now, the national government is set to give P2.9-billion worth of rice subsidy to soldiers, police officers and other uniformed personnel,” sabi ng Surigao del Sur lawmaker.

Ayon kay Pimentel, maaaring maging sa anyo ng ‘financial assistance’ ang nasabing subsidiya na ito para sa uniformed personnel na katumbas ng 20 kilo ng bigas kada buwan.

Bukod sa AFP at PNP, ang mga opisyal at miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Coast Guard (PCG) at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) ay kabilang sa hanay ng mga tinaguriang ‘uniformed personnel’.

Sinabi ng mambabatas na bilang pangunahing nilalaman ng hapag kainan ng pamilyang Pinoy, ang pagtitiyak na may kinakailangang suplay ng bigas ay malaking tulong para sa mga unipormadong tauhan ng pamahalaan.

Dagdag pa ni Pimentel, ngayong pa­tuloy na tumataas ang presyo ng bigas sa mga pamilihan, malaking kapakinaba­ngan ang naturang rice subsidy.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang average price ng well-milled rice nitong Agosto ay nasa P45.71 kada kilo, mataas ng 9 percent kumpara sa P42.26 kada kilo noong Agosto 2017.  ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.