NAGLAAN ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng halagang P2.5 milyon para sa mga biktima ng bagyong ‘Odette’ sa Visaya at Mindanao.
Ito ay makaraang magpasa ang resolusyon na nagbigay daan para sa paglalaan ng nasabing halaga na pinangunahan ng Council Presiding Officer, majority floorleader, president pro tempore at lahat ng city councilors.
Sa halagang P2.5 milyon, ang P1 milyon dito ay ilalaan sa Cebu habang ang mga probinsiya ng Bohol, Leyte at Surigao del Norte ay bibigyan ng P500,000 bawat isa.
“The City Government of Manila, through the Honorable City Mayor Francisco “IskoMoreno” Domagoso, in the act of benevolence and solidarity, extends a hand to provide the Provinces of Surigao Del Norte, Cebu, Bohol and Leyte financial assistance,”nakapaloob sa resolusyon.
Nakita ng pamahalang lungsod ang pangangailangan na magbigay ng financial assistance sa mga probinsiya ng Cebu, Surigao Del Norte, Bohol at Leyte alinsunod sa rekomendasyon ng National ar Regional Disaster Risk Reduction Management Council.
Ang pondo ay kukunin mula sa Office of the Mayor Donation Account na may Account Code 5-02-99-080 at awtorisado ng Ordinance No. 8702, na kilala din bilang Executive Budget for fiscal year 2021.
Umapela rin ang pamahalaang lungsod sa mga pribadong mamamayan na nagnanais din na magbigay ng tulong sa pamamagitan ng donasyon sa isang fund-raising campaign.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagbigay ng tulong ang lungsod ng Maynila sa mga biktima ng kalamidad gaya noong pumutok ang Bulkang Taal at malawakang baha sa Cagayan at Marikina.
VERLIN RUIZ