RIZAL- UMAABOT sa P2.6 milyong halaga ng droga ang narekober sa isang 33-anyos na high value target (HVT) ng mga drugs operatives sa Binangonan sa lalawigang ito.
Sa ulat ni Rizal PNP Provincial Director Col. Dominic Baccay kay PRO4A-Calabarzon Regional Director BGen. Antonio Yarra, kinilala ang nadakip na si Edmar Rex y Nieto alyas “Bok”, nakatira sa Aragon Compd., Upper Left, Kasinay, Brgy., Darangan ng nabanggit na bayan.
Ayon kay Major Joel Custodio, chief ng Provincial Intelligence Unit (PIU) na dakong ala-1:45, ng madaling araw kahapon nasakote ang suspek ng grupo nina Lt. Daniel Solano sa Aragon Compound, Upper Left Kasinay, Brgy., Darangan sa isinagawang buy bust operation.
Narekober sa suspek ang 387 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2, 699,600.00, isang P1000 buy bust money, at 4 na ice bag kung saan nakalagay ang droga.
Nakapiit na ang suspek sa detention cell ng pulisya habang dinala naman sa Rizal Provincial Laboratory ang mga nakumpiska rito. ELMA MORALES