PAMPANGA-TINATAYANG nasa P2.67milyong ang halaga ng iligal na droga ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs –Port of Clark sa lalawigang ito katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency .
Batay sa ulat, nasa 535.6 gramo ng Ketamine ang nasamsam ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Enforcement & Security Service, Customs Intelligence and Investigation Service, X-ray Inspection Project, sa tulong ng PDEA na isiningit sa ilalim ng polycarbonate sheets .
Nabatid na nagmula ang kargamento sa Hoofddorp, The Netherlands na idineklarang mga damit subalit nang isalang sa x-ray scanning ang kargamento ay may mga kahina-hinalang images ang nakita.
Naging daan ito para madiskubre ang apat na polycarbonate sheets na ginamit para itago ang white crystalline substances na hinihinalang ilegal na droga.
Lumitaw sa pagsusuri ng CAIDTF, ang kuwestyunableng substances ay kinakitaan ng presensiya ng “Special K, Ketamine”.
Agad na nagsagawa ng chemical laboratory analysis ang PDEA sa mga nakuhang samples at dito napatunayan na ang substances ay may Ketamine, isang classified dangerous drug under R.A. No. 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kasunod ng ulat ng PDEA, agad na ipinag-utos ni District Collector Alexandra Lumontad ang pagpapalabas ng Warrant of Seizure and Detention laban sa kontrabando dahil sa paglabag sa Sections 119 (d), and 1113 (f) of R.A. No. 10863 or the Customs Modernization and Tariff Act, and Section 4 of R.A. No. 9165.
Magugunitang nitong Hunyo, nasamsam sa nasabing pantalan ang P2.5-milyong halaga ng Ketamine mula Spain na inipit naman sa mga picture frames. VERLIN RUIZ