CAMP CRAME – MAGLALAAN ng P2.78 million ang Philippine National Police (PNP) para iayuda sa 278 pulis na biktima ng pag-alboroto ng Taal Volcano.
Paliwanag ni PNP Officer-In-Charge, Lt. Gen. Archie Gamboa, bawat isa sa 278 pulis na biktima ng kalamidad dulot ng phreatic eruptions ay bibigyan ng P10,000.
“Para naman makatulong sa mga pulis na apektado,” ayon kay Gamboa.
Bukod sa nasabing halaga, magdo-donate din ang PNP ng cash sa iba pang civilian victims sa Calabarzon, lalo na sa Batangas.
Ang ibibigay na tulong sa mga sibilyang biktima ng Taal volcano phreatic eruptions ay mula sa tig-P10 na ambag ng nasa 190,000 pulis sa buong bansa.
Inanunsiyo rin ni Gamboa na umabot na sa P2.5 million ang nakalap na kontribusyon sa mga pulis.
Samantala, sinabi ni Calabarzon police director Brig. Gen. Vicente Danao Jr. na hindi obligadong mag-duty ang mga apektadong pulis at uunahin ng mga ito na iligtas ang kanilang mga pamilya.
Una nang sinabi ni Gamboa noong Lunes na handa nang i-deploy ang nasa 2,000 pulis sa mga lugar na apektado ng kalamidad at sa pagpapalikas ng mga residente roon.
Ipinamahagi na rin ang N95 face masks, goggles, at raincoats sa mga pulis na bahagi ng rescue efforts.
Sinabi rin ni Gamboa na wala ring looting at iba pang krimen na naganap sa lugar habang inilagay na rin sa full alert status ang lugar upang matiyak na may nakaantabay na pulis sa mga operasyon. EUNICE C.
Comments are closed.