P2.80/L PRICE HIKE SA GASOLINA; P1.30/L SA DIESEL

MALAKIHANG pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang sasalubong sa mga motorista ngayong Martes.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng  Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P2.80, diesel ng P1.30, at kerosene ng P0.45.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong taas-presyo, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang price hike sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng adjustments sa alas-4:01 ng hapon.

Ito na ang ika-4 na sunod na linggo ng upward adjustments para sa gasolina at diesel.

Noong nakaraang Martes, Enero 23, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.30 at diesel ng P0.95. Hindi naman gumalaw ang sa kerosene.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), ang year-to-date net increases ay nasa P1.60 para sa gasolina at diesel. May net decrease naman na P0.40 kada litro para sa  kerosene hanggang Enero 23.