PUMALO na sa P2.9 billion ang pinsala sa sektor ng agrikuktura ng Habagat na pinalakas ng mga bagyong Egay at Falcon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Base sa latest situational report ng NDRRMC, ang Department of Agriculture (DA) ay nakapagtala ng P2,944,689,603.82 na production loss o halaga ng pinsala sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Bangsamoro Region, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Hindi bababa sa 108,729 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng pinsala sa 153,268.39 ektarya ng taniman.
Sa report ng NDRRMC, nasa 132,074.62 ektarya ang partially damaged at may pag-asa pang makabangon, habang 20,104.44 ektarya ang totally damaged.
Samantala, nakapagtala ang National Irrigation Administration (NIA) ng P137,781,000 halaga ng pinsala sa Mimaropa at CAR.
Ang mga bagyo at Habagat ay puminsala rin sa 573 istruktura, na nagkakahalaga ng P3,631,012,164.44 sa infrastructure damage.
Ang CAR ay nagtala ng pinakamalaking halaga ng infrastructure damage na kinabibilangan ng 347 istruktura sa P2,261,635,339.74.