KINUWESTIYON ng ilang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang ginawang pagbawas sa panukalang budget ng Department of Agrarian (DAR) para sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng House appropriations committee, na kapwa pinamunuan nina Vice-chairmen Michael John Duavit (1st Dist. Rizal province) at Joey Sarte Salceda (2nd Dist. Albay province), nadiskubre ng mga ito na aabot sa P2 bilyon ang naging ‘budget cut’ ng naturang kagawaran.
Mismong si DAR Secretary Atty. John Castriciones ang nagbunyag na una nilang hinihiling sa Department of Budget and Management (DBM) na ang gawing budget ng kanilang ahensiya ay sa halagang P10.202 billion para sa 2019.
Subalit, sa naisumiteng P3.757 trillion na General Appropriations Act (GAA) for 2019, ang nakasaad na kabuuang halaga ng pondo para sa DAR ay nasa P8.202 billion lamang.
Ayon kay Atty. Castriciones, humihingi umano ang DAR ng mas mataas na budget para sa susunod na taon dahil mayroong ilang foreign-assisted projects (FAPs) ang natapos na.
Bunsod nito, ipinunto ni Akbayan partylist Rep. Tom Villarin na bilang ‘centerpiece program’ ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang agrarian reform, marapat lamang na mabigyan ng kinakailangan nitong pondo ang DAR.
Dagdag pa ng partylist lawmaker na hindi dapat binabawasan ang pondo ng DAR dahil base sa isinasasad ng Saligang Batas, ang land reform program ay dapat na patuloy na ipinatutupad.
Bilang tugon, sinabi ni Salceda ang kailangan lamang gawin ng DAR ay humingi ng kung ano ang kailangan nila lalo’t mayroong itong “highest credibility” hinggil sa implementasyon nito ng foreign-assisted projects, bukod pa sa pagkakaroon ng magagandang proyekto at ‘governance complaint’ pa ito.
“I cannot imagine why your budget is like the budget of a funeral home,” pabirong sabi pa ng Albay congressman. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.