Isang solar solution firm ang naglaan ng Php 2 Billion para sa rooftop solar projects para makasabay sa lumalaking demand ngayon ng murang elektrisidad sa pamamagitan ng solar energy sa buong bansa.
Ang pangangailangan para sa mga solar photovoltaic (PV) rooftop installations sa Pilipinas ay tumaas mula nang mag pandemya, dulot ng pangangailangan para sa energy independence, mga cost-saving initiatives, at mga alalahanin sa kapaligiran, ayon sa managing directors ng solar solutions firms na GreenHeat at GreenDot.
Sa ganitong kadahilanan, parehong pinasok ng dalawang kompanya ang lumalaking merkado na ito, ang magkaloob ng solar energy solution para sa mga negosyo at kabahayan, ayon kay Glen Tong ang Managing Director ng dalawang kompanya.
Itinatag ang GreenHeat noong 2010 na unang nakatuon sa malakihang energy solutions. Noong 2015, inilunsad nito ang GreenDot upang tugunan naman ang tumataas na demand para sa mas maliliit na residential installations.
Sa kabila ng mga hamon ng pandemya, parehong nagpatuloy ang operasyon ng kompanya, tumutulong sa mga kliyente na matugunan ang tumataas na pangangailangan sa enerhiya sa bahay at mapanatili ang sustainable na operasyon sa mga negosyo.
“Sa tingin ko, praktikal na ang mga Pilipino, lalo na kung ikaw ay isang malaking negosyante. Kaya’t mas madalas kaming direktang nakikipag -usap sa mga malalaking user, dahil sa tingin namin doon nila makukuha ang pinakamalaking pakinabang at pinakamahusay na oras para dito,” paliwanag ni Mr. Tong.
Mula noong 2020, nakapagtayo na ang GreenHeat ng higit sa 45 sistema na may kabuuang 17,791.92 kilowatt-peak, para sa mga negosyo tulad ng SM, Landers Superstores, at Wilcon Depot. Samantala, nakumpleto ng GreenDot ang 45 residential projects na may katulad na kabuuang kapasidad.
Pinalawak ng GreenHeat at GreenDot ang kanilang mga serbisyo at isama nila ang operations and maintenance, quality assurance, at refurbishment ng mga malfunctioning o unfinished solar PV systems. Isa sa mga dahilan kung bakit ipinadala nila ang kanilang libo-libong empleyado sa iba’t ibang bansa para mag-aral at magsanay.
Habang pinaiigting ng Pilipinas ang mga pagsisikap tungo sa mga solusyon sa sustainable energy, sinabi ni Tong na ang GreenHeat at GreenDot ay nananatiling nasa unahan ng solar energy transition, ginagawa ang renewable energy na mas abot-kaya at abot-kamay para sa mga negosyante at mga households.
Nagpakilala na rin sila ng mga hybrid systems at kasalukuyang nag-eexplore ng floating Photovoltaic technology at non-arable land para sa mga solar farms. Ngayon na ang mga gumagawa ng electric car at maging ng E-buses ay nagtatagisan sa merkado, ang GreenHeat at GreenDot ay sumusulong sa e-vehicle adoption sa pamamagitan ng mga solar-powered charging stations. Ang GreenHeat, nangunguna sa kauna-unahang power purchase agreements sa Pilipinas, ay pinalawak din ang access sa solar energy sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga pangunahing bangko tulad ng BDO, BPI, at Security Bank para sa mga financing options.
“Lumapit sa amin hindi lamang ang mga lokal na financing centers kundi pati na rin ang mga internasyonal na investor. At kasama ng aming mga kasosyo at mga bangko, ang GreenHeat Corp. ay naglalaan ng P2 bilyon para sa mga rooftop solar projects sa susunod na 18 buwan upang matugunan ang tumataas na demand,” dagdag pa ni Tong. Ang halagang ito ay nakalaan para sa “malalaking enterprise na may maraming site” tulad ng SM Supermalls, Landers Superstore, at Wilcon Depot at pati na rin ang ilang malalaking unibersidad.
Ang halaga ay magbibigay-daan sa kompanya na magkaroon ng karagdagang 100-megawatt (MW) na installed capacity sa portfolio nito, na kasalukuyang nasa 40 MW hanggang 50 MW. “Naging mandato na namin ang mag-ambag sa pandaigdigang pagsisikap patungo sa net zero carbon emissions, hindi lang kami nakatuon sa kita,” dagdag pa ni Mr. Tong.
VERLIN RUIZ