KARAGDAGANG mga estasyon at bagong passenger boats, kabilang ang 50-seater air conditioned water bus, ang ilan sa mga proyektong nakapaloob sa bagong Pasig River ferry system, na popondohan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na taon.
Ito ang isiniwalat ni House Deputy Minority Leader at 2nd Dist. Makati City Rep. Luis Jose Angel Campos, Jr. kung saan sinabi rin niyang P328 million ang ilalaan para sa pag-aayos at paglilinis ng mga estero at sapa na nakakonekta sa Ilog Pasig.
Ayon sa Makati City congressman, ang nasabing P2-B ay nakapaloob na sa isinumite ng Malakanyang sa Kamara na panukalang P3.757 trillion General Appropriations Act for 2019.
Mula sa kasalukuyang 12 estasyon, na halos hindi napakikinabangan, mayroong 17 pang bagong estasyon ang itatayo sa nasa 25-kilometro na ilog; na bumabaybay sa mga lungsod ng Maynila, Mandaluyong, Makati, Taguig, Pasig at Marikina.
Bukod dito, nasa 24 na bagong air-conditioned boats, na kayang magsakay ng 50 pasahero ang bibilhin at inaasahang nasa 76,000 na commuters ang maseserbisyuhan nito kada araw,
Sinabi pa ni Campos na ang new Pasig River Ferry Convergence Program na ito ay pagtutulungang isakatuparan ng sampung iba’t ibang mga ahensiya, sa pamumuno ng Department of Budget and Management (DBM).
Samantala, nabatid pa sa naturang mambabatas na P328 million ang ipagkakaloob na pondo sa Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), na gagamitin para sa pagpapaganda at pagpapabuti sa kondisyon ng ilog, nang sa ganoon ay maging kaaya-aya at maging lalong kapakipakinabang mula sa pagkakaroon ng serbisyo ng transportasyon, turismo at ilang recreational activities. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.