P2-B PINSALA NI ‘EGAY’ SA INFRA, AGRI

TINATAYANG nasa P2 bilyon ang halaga ng pinsalang idinulot ng magkasanib na weather system sa bansa na nararanasan nitong nakalipas na Linggo.

Sa datos ng Office of Civil Defense (OCD), sinasabing umabot sa P1.1 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura bunsod nang pananalasa ng nagdaang Typhoon Egay habang nasa kulang P900 milyon naman sa sektor ng agrikultura ang winasak ng bagyo na pinalala ng umiiral na Habagat.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 155 imprastraktura sa kabuuan ang napinsala kung saan pinakamarami rito ay mula sa Region 2 na sinundan ng Region 1, MIMAROPA, Region 5, 12, 6, 11 at BARMM.

Mayroon din nasirang government facilities, mga sasakyan at educational materials.

Winasak din ng bagyo ang nasa halos 10,000 kabahayan kung saan 9,248 dito ang partially damage at 376 ang totally damage.

Samantala, nakapagtala ng mahigit P833 milyong halaga ng pinsala sa agrikultura sa Regions 2 & 6, CALABARZON at CAR.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang assessment ng mga awtoridad at posible pang tumaas ang halaga ng iniwang pinsala ng Bagyong Egay sa bansa.

Bukod sa 14 katao na kumpirmadong nasawi base sa report ng NDRRMC sanhi ng bagyo ay may 582,000 katao mula Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas na direktang naapektuhan ng bagyo at habagat na nagdulot ng mga pagbaha sa maraming barangay.

“We have provided assistance through the DSWD, LGUs and other agencies amounting to P35.81 million,” pahayag pa ng OCD na kasalukuyang pinaghahandaan na rin ang posibleng epekto ng bagong Bagyong Falcon na nagpapalakas pa sa umiiral na southwest monsoon o Habagat kahit pa hindi inaasahang na bababa ito sa kalupaan.

“Maliban sa malawak ang sirkulasyon ng bagyong egay, pinag-ibayo nito ang habagat,” ani PAGASA forecaster Nathaniel Servando. “Ang pinakamalaking volume ng ulan ay sa extreme Northern Luzon,” dagdag pa nito.
VERLIN RUIZ