P2-B PONDO VS COVID-19 IBIBIGAY NG PAGCOR SA DOH

PAGCOR-DOH

INIHAYAG ni House Committee on Appropriations Chairman at ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap ang nakatakdang pagbibigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ng P2 bilyon sa Department of Health (DOH).

Ayon sa ACT-CIS party-list congressman, ang nasabing halaga ay ipagkakaloob ng goverment gaming regulator para magamit ng health department sa pagpapalakas ng kampanya nito sa pagsugpo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.

“Napakalaking tulong ng pondo na ito para masiguro na hindi magkukulang ang mga kakailanganin para sugpuin ang COVID-19. We thank and commend the Pagcor  and other agencies for doing their part for us to get through this national emergency. We know that all the involved agencies are putting their best effort in this,” pahayag pa ni Yap.

Bukod sa nasabing halaga, handa rin umanong magpaabot ng karagdagng P50O milyong pondo ang Pagcor sa DOH nang sa gayon ay masigurong matutugunan ang mga pangangailangan ng huli sa layunin nitong malabanan ang kinatatakutang sakit.

Tiniyak naman ni Go na bilang bahagi ng tungkulin ng pinamumunuan niyang komite ay nakahanda ang  Kamara na aksiyunan ang anumang panukalang batas lalo na ang may kinalaman sa kampanya kontra COVID-19 kahit pa nakabakasyon sa ngayon ang mga mambabatas.

“Tayo ay handa sa Committe on Appropriations na tanggapin at talakayin ang mga panukala na makatutulong na malabanan ang COVID-19 at sa pamilyang Filipino  na malagpasan ang hamon na ito. Kung kailangan ng pondo, hahanapan at mabibigyan natin ‘yan ng pondo. Wala dapat ikabahala ang ating mga kababayan sapagkat handa naman ang ating pamahalaan na tugunan ang kinakaharap nating outbreak. Higit sa lahat, prayoridad natin ang kalusugan at kaligtasan ng sambayanang Filipino,” pagbibigay-diin pa niya. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.