P2 JEEPNEY FARE HIKE IGIGIIT PA

JEEPNEY FARE

PATULOY pa ring igi­giit ng Alliance of Concerned Transport Ope­rators (ACTO) na ibigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa lalong madaling panahon ang hini­hingi nilang dalawang pisong dagdag sa pasahe sa jeepney.

Pahayag ito ni Efren De Luna, National President ng ACTO sa harap ng pag-apruba ng LTFRB sa pisong pansamantalang dagdag sa minimum na pasahe sa jeep.

Ayon kay De Luna, naramdaman na rin ng LTFRB ang malaking hirap ng operators at drivers kaya’t nagbigay sila ng provisional increase habang dinidinig pa ang orihinal nilang petisyon.

Maliban sa mataas na presyo ng langis, apektado rin sila sa pagtaas ng presyo ng piyesa, ang da­lawampung porsiyentong diskuwento sa mga estudyante at senior citizens at malaking bawas sa bilang ng kanilang biyahe dahil sa traffic.

“’Yun po ang nawawala kaya nga po nakita ng LTFRB na kaila­ngan, at ‘yung sinabing P2 sa unang apat na kilometro ay pantakip lang talaga na mga gastusin na nawala sa amin, tintingnan din po natin ang kabuhayan ng ating mga mamamayan,” ani De Luna

Kasabay nito, nanawagan si De Luna sa LTFRB na agad nang ipalabas ang memorandum para sa inaprubahan nilang pisong provisional increase.

Una nang sinabi ng LTFRB na magkakabisa lamang ang pisong provisional increase kapag nakapagpalabas na silang formal order.

“Kaya nga po ‘yun ang hinihiling namin na nagbigay na rin naman sila sa ganu’ng proseso at naintindihan na  nila ang aming mga hangarin ay dapat na agarang ibigay ang order para mapaimplementa po ‘yan kung hindi man bukas ay sa Lunes,” pahayag ni De Luna

Pinasalamatan ng mga transport group ang LTFRB sa pagbibigay ng pisong provisional fare increase sa mga jeepney.

Ayon kay Fejodap President Zenaida Maranan, natutuwa sila na nauunawaan ng LTFRB ang sitwasyon ng mga operator at tsuper sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Malaking bagay ito lalo’t inaasahang nasa isandaan hanggang dalawandaang piso ang madadagdag sa kita ng mga tsuper.

Samantala, dahil wala pang inilalabas na order ukol dito ang LTFRB, nagpasya ang mga miyembro ng Fejodap na ngayon na pormal na ipatupad ang dagdag na piso sa minimum fare. RALPH OBINA-DWIZ882

Comments are closed.