P2-M LIFE INSURANCE SA GOV’T MED WORKERS

Rolando Ledesma Macasaet

AABOT sa P2 million  ang life insurance na puwedeng matanggap ng pamilya ng isang government medical frontliner na masasawi dahil sa COVID-19.

Ito ay matapos na dagdagan ng Government Service and Insurance System (GSIS) ang life insurance ng mga medical worker ng gobyerno ng P500,000.

Sa ginawang virtual meeting ng Defeat COVID-19 Committee (DCC) ng Kamara, inihayag ni GSIS President and General Manager Rolando Ledesma Macasaet na itinaas nila ang life insurance ng mga medical frontliner member base sa kanilang buwanang sahod.

Ayon kay Macasaet, dinagdagan pa nila ng P500,000 ang life insurance ng mga medical frontliner.

Ang life insurance ng mga ito ay umaabot sa P300,000 hanggang P500,000 depende sa monthly compensation, iba pa ito sa idaragdag na  P500,000.

Ibig sabihin, sakaling masawi ang isang government medical frontliner dahil sa COVID-19, may matatanggap ang naiwang pamilya ng P800,000 hanggang P1 million na life insurance.

Dagdag ni Macasaet, bukod pa rin ito sa nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act na bagong insurance policy na P1 million para sa pamilya ng health worker na masasawi sa COVID-19 kaya sa kabuuan ay maaaring umabot ng P2 milyon ang insurance na matatanggap ng mga ito. CONDE BATAC

Comments are closed.