NA-INTERCEPT ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport, Inter-Agency Drugs Task Group (NAIA-IADITG) kamakalawa ng hapon ang dalawang outbound parcel sa loob ng DHL Cargo House sa NAIA Complex sa Pasay City.
Ayon sa report ng NAIA-IADITG , ang dalawang outbound parcel ay naglalaman ng 307.9 gramo ng shabu na aabot sa P2,093,720.00 milyon ang halaga.
Ang isang parcel na may airwaybill no. 2406493751 ay idineklarang mga dokumento at ipinadala ng nagngangalang Marbella Richard Paul Torlao ng 296 Arandia St. Tunasan, Muntinlupa City kay Alagua Amado Jr. via Dell Arcadia ng 79 Rome ,Italy.
At ito ay naglalaman ng 20 heat sealed transparent plastic sachets ng shabu na may timbang na 100 gramo at tinatayang aabot sa P680,000.00 ang halaga.
At isa pang parcel na mayroon tracking no. 4691789686 ay idineklarang bilang mga kitchen wall stickers na ipinadala ni Patricia Bo ng Blk 4 Lot 8 Meadows Park, Molino 3, Bacoor, Cavite.
Naka-consigne naman ito sa isang Cui Lin Bo ng Koror Palau c/o Fuji B Restaurant Building 3rd floor, Koror.
At ang 207.9 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,413,720.00 milyon ay itinago sa apat na improvised pouch at binalot ng transparent plastic bag.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng mga kinauukulang upang mahuli sa lalong madaling panahon ang mga salarin. FROILAN MORALLOS