P2-M SHABU NASAMSAM SA 9 TULAK

QUEZON- SIYAM na high value target na drug pushers ang nalambat ng pulisya sa tatlong sunod-sunod na police operations na nakakumpiska ng mahigit na P2 milyong halaga ng shabu nitong Sabado ng gabi sa Purok Sampaguita, Barangay Comon, Infanta.

Unang bumagsak sa kamay ng mga operatiba si Ricardo Morfe na nakunan ng 100 gramo ng shabu na may street value na P2,040,000 ang ibinabagsak sa pulis na nagpanggap na poseur buyer.

Sumunod na naaresto sa isang buy- bust operation sina Kent Merana at Alvin Tropical habang nagbebenta ng droga sa halagang P20,400 sa Barangay Altias sa isang police asset na nagpanggap na buyer.

Alas-3.30 ng madaling araw naman ng sabay- sabay na dinakip sina James Supremo, Hector Merana, Marvin Orantia, Regie Marquez, Angelo Keynes at Jon- Jon Poblete habang nagsasagawa ng paglalagay sa pakete ng mga droga sa Purok Ilaya 2, Barangay Bacong ng nabanggit na bayan.

Sa pahayag ni Lt.Col. Ledon Monte, Quezon provincial police director, ang mga nahuling suspek ay nahaharap sa kasong drug pushing dahil sa paglabag sa RA. 9165 o sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. ARMAN CAMBE