CEBU – TINATAYANG aabot sa P2 milyong halaga na assorted na produktong ukay-ukay mula sa ibang bansa na walang kaukulang papeles ang kinumpiska ng mga operatiba ng NBI-Cebu District Office sa isang bodega sa Lapu-Lapu City sa lalawigang ito noong nakalipas na Linggo.
Ayon kay NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor, nag-isyu ng Search Warrant ang Regional Trial Court ng Lapu-Lapu City laban sa may-ari na si Minj Abatayo sa negosyong Minj Ukay Ukay Clothing.
Nakasaad sa search warrant na lumabag sa RA 4653 ( Illegal Commercial importation of used clothing/rugs) in relation sa Section 6 ng RA 10175 (Anti-Cybercrime Prevention Act of 2012) ang nasabing negosyante kung saan ang ukay ukay products nito na ibinebenta sa pamamagitan ng online ay mula sa Korea at Japan.
Nitong Pebrero 18 ay isinilbi ang search warrant ng mga operatiba ng NBI-CEBDO SA tulong ng NBI -Central Visayas Regional Office (NBI -CEVRO), Bureau of Customs Intelligence and Investigation Services at ang Enforcement Security Group (ESS-Custom’s Police.
Wala maipakitang anumang dokumento o kaya business permit ang caretaker na awtorisado silang magbenta ng nasabing produkto kaya kinumpiska ang 300 bundles na assorted VIP used clothing na may estimated value na P2 milyon.
Lumabas din sa imbestigasyon ng NBI na ang subject place ng search warrant ay pag-aari ng isang nagngangalang Cressia Cabales-Antonio na sinasabing Manila based trader mula sa nakuhang certification sa Camella Homeowners’ Association at statements mula sa mga kawani na nagmamantine ng negosyo ng nasabing employer sa nasabing lugar. MARIO BASCO