P2/MINUTE CHARGE NG HYPE KINUWESTIYON NG LTFRB

HYPE

PINAGPAPALIWANAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Hype Transport Systems Inc. dahil sa paniningil ng dagdag na pasahe.

Sa show cause order na inisyu noong Hulyo 13 at ipinalabas sa media kanina, sinabi ng LTFRB na kailangang magpaliwanag ang Hype kung bakit hindi ito dapat suspendihin o kanselahin ang prangkisa dahil sa P2 per minute travel time charge.

Ayon sa LTFRB, inulan sila ng reklamo ng mga pasahero ng Hype dahil sa paniningil ng dagdag na P2 per minute sa kanilang travel time nang walang pahintulot ng Board.

Paliwanag pa ng LTFRB, ang inaprubahan lamang nila ay ang P40.00 na flagdown rate at dagdag na P14.00 per kilometer charge sa bawat byahe.

Binigyan lamang ng limang araw ang Hype para ipaliwanag ang kanilang panig sa inilabas na show cause order, at inatasan ito na dumalo sa hearing sa headquarters ng ahensiya sa Quezon City sa Hulyo 24.

“Failure on the part of Hype Transport Systems Inc. to answer in writing this Show Cause order within the said period from receipt hereof and to appear at the hearing of this case shall be considered as waiver on its part to be heard and this case shall be decided on the basis of the records of this Board,” nakasaad sa kautusan.

Ang Hype ay binigyan ng akreditasyon bilang Transportation Network Company (TNC) ng LTFRB noong Abril 18, 2018.

Noong Hunyo 2018, binigyan ng Department of Transportation (DOTr) ang  LTFRB ng ‘full authority’ para i-regulate, ­pangasiwaan at tukuyin ang fare rates ng TNCs.

Nanawagan naman sa publiko ang LTFRB na ipa­rating sa kanilang tanggapan ang mga paglabag, partikular na sa dagdag-pasahe ng mga TNC at ito ay agad nilang aaksiyunan.

Comments are closed.