SULU – TINATAYANG nasa P20.4 milyong halaga ng shabu ang na-rekober ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency-PDEA Sulu Provincial Office sa naarestong dating Barangay Chairman at kasabwat nito sa isinagawang anti narcotics operation sa Barangay Tulay, Jolo kamakalawa ng gabi .
Kinilala ng PDEA ang mga nadakip na suspek na sina Sali Salim Tating, alyas Kael, 58-anyos at kasama nitong si Sherwin Hapasain Talib former barangay chairman, 39-anyos.
Habang pakay naman ng manhunt operation ang isang Wilnor Abduhalim, alyas Hadji na nagawang makatakas sa kasagsagan ng ikinasang buy bust operation ng anti-illegal drugs agents.
Nakuha sa kanila ang tatlong pirasong ng golden packs with refined Chinese tea bags, na may Chinese characters labeled GUAN YIN WANG na naglalaman ng shabu na nasa tatlong kilo ang timbang, dalawang units ng mobile phones, at iba’t ibang identification cards.
Katuwang sa nasabing buy bust sting ang PNP- 5th Special Action Battalion, Special Action Company Special Action Force, Sulu Police Provincial Office Provincial Intelligence Unit (SPPO PIU), National Intelligence Central Agency Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (NICA BARMM), Jolo Municipal Police Station, Regional Intelligence Unit IX (RIU IX), 1st Provincial Mobile Force Company (1st PMFC), 2nd Provincial Mobile Force Company (2nd PMFC), Criminal Investigation, Detection Group IX (CIDG IX), aT Sulu Maritime Group.
Una rito ay inihayag ng PDEA na umabot na sa P51.14 billion ang halaga ng iligal na droga na nakumpiska ng ahensya mula Hulyo 2022 o mula nang maupo ang administrasyong Marcos hanggang nitong Oktubre 2024.
Kabilang sa mga nakumpiska ay shabu, cocaine, ecstasy at marijuana.
Ayon sa PDEA, resulta ito ng mahigit 87,000 anti-drug operations na isinagawa.
Mahigit 119,000 drug personalities naman ang naaresto kabilang ang mahigit 7,000 high value target.
Nasa mahigit 1,200 naman na mga laboratoryo ang nalansag at umabot na sa 29,211 ang drug cleared na barangay.
VERLIN RUIZ