P20.5-M SHABU NASABAT SA HVI

BACOLOD CITY- MATAGUMPAY na nasabat ng mga tauhan Bacolod City Police ang P20.5 milyong halaga ng shabu mula sa isang tulak na tinaguriang High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation nitong araw ng Martes sa nabanggit na lungsod.

Kinilala ni Capt. Joven Mogato, hepe ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ang suspek na si Jummel Camento.

Ayon kay Mogato, dalawang linggo ang ginawang surveillance ng mga pulis sa illegal drug activities ni Camento hanggang sa ikasa drug operation sa Barangay Singcang-Airport.

Sinabi ni Mogato na dinala ang mga droga sa bahay ni Camento Lunes ng gabi at nakatakdang dalhin at ibenta sa labas ng Western Visayas.

Nakuha kay Camento ang P10,000 marked money at P1,500 cash.

Nauna nang nakulong si Camento noong 2012 dahil sa drugs subalit agad ding napalaya matapos na ibasura ng korte ang kaso nito.

Lumilitaw na si Camento ay naging kliyente ni Michael Frias na nadakip din ng CDEU sa buy-bust sa Barangay Vista Alegre noong Agosto 10. Nakuha kay Frias ang nasa P14.3 milyong halaga ng shabu.

Dagdag pa ni Mogato, sinisilip din nila ang posibleng kaugnayan ni Camento sa Caunda Drug Group kung saan miyembro si Frias.
EVELYN GARCIA