P20.8-B NA ANG PCSO; PEKENG SOCIAL MEDIA PAGE

warzone

UNA sa lahat, binabati natin ang dalawang ma­sugid na tumatangkilik sa ating mga Lotto jackpot, na nanalo at naghati sa P126.1 milyon Grand Lotto 6/55 sa nakaraang draw nitong Sabado ng gabi (Mayo 19, 2018) sa Draw Court ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa may Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.

Ang winning numbers ay 12-55-10-05-43-19.

Ang dalawang winners ay tumaya mula sa dalawang magkaibang Lotto outlet sa Laguna. Sana ang dalawang bagong multi-milyonaryo ay maayos nilang magamit ang kanilang napanalunan para sa kanilang ikabubuti at ipag­patuloy ang kanilang pagkakawanggawa sa kapwa sa isip, sa salita at sa gawa.

Tayaan na rin natin ang Lotto 6/42 dahil humigit-kumulang na P10 milyon na rin ang mapapanalunan.

Para sa kaalaman ng lahat, ang P20 na itinaya mo ay P6 ang awtomatikong napupunta sa pondo ng kawanggawa (Charity Fund) ng PCSO. Manalo o matalo ka ay makasisiguro ka na may pondong nakalaan para sa iyo at sa lahat ng mamamayan sakaling kayo ay manga­ngailangan ng ayuda para sa inyong medikasyon gaya ng ayuda sa iyong pagkakaospital, operasyon, pang-dialysis, pang-chemo, at marami pang ibang serbisyong kawanggawa ng PCSO.

Hindi po galing sa buwis ng mamamayan ang pondo ng PCSO, hindi kasama sa General Appropriations Act (GAA) ng Kongreso. Ang pondo ng ahensiya  ay galing sa ating gaming public o masugid na tumatangkilik sa ating Lotto, Digit Games, Keno, Sweepstakes, at ang bumubonggang Small Town Lottery (STL). Para sa kaalaman ng lahat, 55% mula sa kabuuang pondong nakakalap ng PCSO mula sa mga lottery game nito ay para sa Prize Fund o papremyo; 15% ay napupunta sa Operating Fund ng ahensiya; at 30% ay napupunta sa Charity Fund o pondo para sa kawanggawa.

Sa pagtatapos ng Abril, P20.8 bilyon na ang nakolekta ng PCSO mula sa mga palaro nito. Sa STL pa lamang, halos pumalo na sa P8 bilyon.

Kung patuloy ang ga­nitong itinatakbo ng re­venue collection ng PCSO sa ilalim ng pamunuan nina General Manager Alexander “Mandirigma” Balutan at Chairman Anselmo Simeon Pinili, malamang na lampas pa sa P55 bilyon ang kikitain sa taong 2018.

Sabi nga ni Mandirigma, “leadership by example” na mayroong  tapang, malasakit at transparency ang kaila­ngan upang madala ang ahensiya tungo sa mga nangangailangan nating mga kababayan lalo na ang mga kapus-palad.

oOo

Muli’t muli na­ming pinaaalalahanan ang ma­mamayan na mag-ingat o huwag basta-basta maniwala sa mga nagsusulputang social media page na gumagamit ng logo at pangalan ng PCSO makapanloko o makapanggan­tso lamang sa kapwa. May mga kababayan pa naman tayo, maski na sa larangan ng pamamahayag o media, na agad naniniwala sa narinig o nabasa at agad-agad may reaksiyon at kritisismo nang hindi muna bineberipika ng maigi kung tunay o peke ang social media page.

Ang opisyal na website ng PCSO ay www.pcso.gov.ph. Ang opisyal na social media page ng PCSO sa ilalim ng Office of the General manager ay Mandirigma Kawanggawa (Facebook Page) at http://facebook.com/mandirigma83 (FB Community Page). Meron din tayo sa Twitter sa @pcso_ogm.

Isa ang PCSO na paboritong gawan ng pekeng social media page ng mga manloloko sa ating lipunan. Simple lang naman ang kanilang hangarin, makapanggan­tso. Halimbawa ay ang pagbigay umano ng “winning combination numbers” ng mga palarong loterya ng PCSO gaya ng Suertres na ang bersiyon ng mga manggagantso ay SWERTRES, ang iligal na sugal na ginaya sa pa­laro ng PCSO. Kadalasan ay sa text message ang modus na ito at marami-raming kababayan natin ang nadedenggoy ng mga manggagantso sa simpleng panghihingi ng load sa cellphone o paglalagay ng halaga sa bank account na ibibigay ng mangga­gantso para ibigay umano ang mananalong numero. Kalokohan ito!

Ang isa pang klase ng panloloko ay guma­gawa ng social media page gamit ang logo at pangalan ng PCSO sa pamamagitan ng pag-post gaya nang may pa-raffle, ipamimigay na house and lot, sasakyan, hi-tech na gadget at kung ano-ano pa. Simple, ang intensiyon ay maparami ang kanyang likes at followers at kapag nabuko ay babaguhin ang pangalan ng kanyang page.

May mga gumagawa rin ng social media page gamit ang logo at pangalan ng PCSO na ang intensiyon ay siraan ang ahensiya. Ang mga ganitong page ay hindi umaani ng likes at followers dahil sa unang sipat pa lamang ay basang-basa mo na ang intensiyon.

E-mail: fetad@yahoo.com

 

 

 

 

One thought on “P20.8-B NA ANG PCSO; PEKENG SOCIAL MEDIA PAGE”

Comments are closed.